Kasunod nang pahayag ni Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Silvestre Bello III kahapon na walang exemption na ibibigay sa mga employer para sa pagbibigay ng 13th month pay sa kanilang mga manggagawa.
Sinabi ni Employers Confederation of the Philippines President Sergio Luis Ortiz, sa kaniyang tantya ay aabot sa tatlong daang libong mga employees ang makikinabang sa ikakasang extended loan facilities ng pamahalaan.
Matatandaang dalawang opsyon ang inilatag ng DOLE para makapagbigay pa rin ng 13month pay ang mga kumpanya kahit na hirap silang makabangon dulot ng COVID-19 pandemic.
Kabilang dito ang pagbibigay ng subsidy ng pamahalaan sa mga Micro, Small and Medium Enterprises (MSMEs) at ang pautang o extended loan facilities.
Samantala, sa katatapos lamang na Inter-Agency Task Force (IATF) meeting, inanunsyo ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque na aprubado na ang gradual expansion ng age group na papayagang makalabas ng kanilang tahanan.
Ibig sabihin, maaari nang lumabas ng bahay ang mga nasa edad 15-65 years old.
Pero magkagayunman, maaaring mag impose ang mga Local Government Unit (LGU) ng higher age limits para sa mga menor de edad sa kanilang nasasakupan depende sa COVID situation ng isang lugar.
Nabatid na ngayon kasi ay mula 21 to 60 years old lamang ang pinapayagang lumabas liban lamang kung ang nakatatanda ay kabilang sa Authorized Persons Outside Residence (APOR) at bibili ng kanilang basic necessities.