Aminado ang Department of Trade and Industry (DTI) na hindi na nila kayang pigilan ang hirit ng manufacturers na pagtaas sa presyo ng mga pangunahing bilihin.
Ayon kay Assistant Secretary Amanda Nograles ng DTI Consumer Protection Group, noon pang taong 2022 at 2023 nakabinbin ang Notice of Adjustment ng manufacturers.
Sinabi ni Nograles na tumaas din kasi ang presyo ng “raw materials “at ang distribution costs.
Kinumpirma ni Nograles na tinatayang 6% ang posibleng itaas sa presyo ng mga pangunahing bilihin.
Mas mababa aniya ito kumpara sa mahigit 10% na itinaas ng manufacturers sa halaga ng prime commodities noong taong 2022 at 2023.
Nilinaw rin ni Nograles na isang beses lamang sila naglabas ng Suggested Retail Price Bulletin noong nakalipas na taon, habang tatlong beses noong 2022.
Kabilang sa mga tataas ang presyo ng mga de-latang pagkain, instant noodles, sabon at iba pa.