Tinatayang anim na milyong pisong halaga ng mga coral reef, napinsala ng sumadsad na barko sa Coron, Palawan

Tinatayang nasa anim na milyong pisong halaga ng mga coral reef o bahura ang napinsala ng isang barko na sumadsad sa baybayin ng Lajala, Coron Palawan.

Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni John Vincent Fabello, Spokesperson ng Palawan Council For Sustainable Development o PCSD na isang fastcraft vessel na may tatak na “Island Biri” ang sangkot sa insidente na naganap nitong May 9.

Nabatid na nasa 255 square meters ang lawak ng napinsalang bahura.


Tumanggi naman si Fabello na pangalanan ang may-ari ng barko pero iginiit nito na agarang sasampahan ng kasong administratibo sa PCSD ang may-ari ng fastcraft sa sandaling makumpleto na ang imbestigasyon.

Gagamitin din aniya ang malilikom na danyos para sa rehabilitasyon ng mga nasirang bahura.

Nabatid na nasa sampu hanggang labinlimang taon ang ginugugol bago maibalik ang dating estado ng nasirang bahura na nagsisilbing bahay at breeding ground ng iba’t ibang mga isda.

Facebook Comments