Tinatayang nasa P66,000 halaga ng marijuana, nasabat ng mga pulis sa buy bust operation sa Maynila

15

Manila, Philippines – Tinatayang nasa P66,000 halaga ng marijuana ang nasabat ng mga pulis sa isinagawang buy bust operation sa Brgy. 814, Paco, Maynila pasado hatinggabi kanina.

Naaresto sa operasyon ang dalawang drug suspek na kinilalang sina Gilbert Rosales alyas Imbet at Sonnyboy Agucay na kapwa umamin sa pagtutulak ng droga.

Ayon kay Police Supt Rolando Gonzales, hepe ng MPD Station 10, nagsagawa ng operasyon ang mga operatiba laban sa target na si Rosales na kilala umanong tulak sa lugar.

Nang magkapalitan ng 1/4 kilo ng marijuana sa halagang P1,200 ay agad na inaresto ang suspek at ang kasama nito sa loob ng bahay. Nakuha sa kanila ang kabuuang siyam na malalaking bricks o bloke at dalawang maliit na piraso ng marijuana.

Posibleng mga estudyante ang pinagbebentahan ng mga suspek lalot malapit lamang ito sa mga pamantasan sa Maynila.

Napagalaman pang anak ng isang baranggay kagawad ang suspek na si Rosales. Kapwa sila mahaharap sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.

Facebook Comments