Tinatayang P17.5 milyon na halaga ng mga sigarilyong walang kaukulang dokumento, nasamsam ng Philippine Navy sa Basilan

Nasamsam ng Philippine Navy- Western Mindanao Naval Command (WMNC) ang isang bangkang pangisda na may dalang mga foreign brand na sigarilyo sa Basilan.

Sa isinagawang maritime patrol ng Philippine Navy, nakita nila ang isang kahina-hinalang bangka na may nakatakip na mga cargo.

Dahil dito, agad na nagsagawa ng beripikasyon at boarding inspection ang grupo kung saan napagalamang ang nasabing bangka ay nagbabyahe ng mga iligal na produkto.

Ang nasabing bangka ay may pangalang F/B Guess at pagmamay-ari ng isang Alhamin Bandahala na taga Jolo, Sulu.

Nahuli ang walong tauhan nito matapos hindi makapagbigay ng mga kaukulang dokumento sa dala-dala nilang 300 na master cases na mga sigarilyo.

Tinatayang nasa P17.5 milyong ang halaga ng nakuhang mga ilegal na sigarilyo kasama ang bangkang ginamit ng mga suspek.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng Bureau ng Customs (BOC) ang mga nakumpiskang cargo at bangkang ginamit sa nasabing pagpupuslit.

Facebook Comments