Tinatayang P19.2 milyong halaga ng marijuana kush, nasabat ng PH Navy, PDEA, at PNP sa West Philippine Sea

Nasabat ng Philippine Navy, kasama ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Philippine National Police (PNP), ang hinihinalang marijuana kush na palutang-lutang sa West Philippine Sea kahapon, Oktubre 20.

Ayon sa ulat, nagsasagawa ng regular na maritime patrol ang mga personnel ng PH Navy nang makita nila ang itim na duffle bag na palutang-lutang sa karagatan.

Nang tiningnan ito ng mga personnel, nalaman nila na ito ay naglalaman ng 32 heat-sealed plastic packs ng tuyong dahon na hinihinalang marijuana kush at may bigat na mahigit-kumulang 16 na kilo at tinatayang nasa P19.2 milyon ang halaga.

Agad na dinala ang nasabing nakuhang ebidensya sa pasilidad ng PH Navy para isagawa ang dokumentasyon at imbentaryo sa koordinasyon sa PDEA Palawan Provincial Office.

Kasunod nito ay dinala ang mga nakumpiskang item sa PNP Regional Office 4B Palawan Provincial Forensic Unit para gawin ang pagsusuri at tamang disposisyon nito.

Dahil dito, pinuri ni PNP acting chief PLTGEN Jose Melencio C. Nartatez Jr. ang mga nasabing ahensya sa naging maayos na koordinasyon ng nasabing operasyon.

Facebook Comments