Sinalakay ng mga tauhan ng Department of Trade and Industry (DTI) at ng CIDG ang isang tindahan ng medical supplies sa Maynila dahil sa reklamo ng mga customer nito na overpricing.
Bung ng mga reklamo, agad na nagkasa ng testbuy ang mga tauhan ng CIDG sa inirereklamong tindahan.
Sa pagbili ng asset ng CIDG Anti-Fraud and Commercial Crimes Unit, nadiskubre na sobrang mahal talaga ng benta ng alcohol sa nasabing tindahan.
Ang 60ml na bote ng alcohol na dapat sanay at PHP17 lamang hanggang PHP25 ay ibinebenta dito ng PHP80.
Kahon-kahong mga alcohol ang inabutan ng raiding team sa tindahan.
Sa harapan ng tindahan, may mga karatula na at abiso sa customer na nagsasabing walang available na supply ng alcohol subalit nadiskubre ng raiding team na marami palang nakatagong supply ng alcohol dito at itinatago lamang sa kanilang mga customer.
Inihahanda na ng mga awtoridad ang kaukulang reklamo laban sa may ari ng naturang medical supply store.