Magsasara na sana ng pwesto si alyas ‘Joan’, may-ari ng stall na nagbebenta ng mga itlog sa Mangatarem Public Market, gabi ng December 6, 2025, nang sa hindi inaasahan, hinold up ito.
Ayon sa salaysay ng biktima, nagtungo umano ang isang lalaki sa harap ng stall nito at biglaan siyang tinutukan ng screw driver, kasabay ng pagtangay sa perang nagkakahalaga ng ₱81, 000.
Hindi kalaunan, umagaw ng atensyon ang kaniyang pagsigaw kaya’t nagtulong-tulong ang publiko upang kuyugin ang dalawang suspek na mag-live in partner.
Sa pagkaripas ng mga suspek, nahulog ang mga ito sa kanal, dahilan ng pagkaaresto sa mga ito ng mga pulis na noo’y nasa lugar.
Ang dalawang suspek, napag-alamang dumayo lang sa lugar.
Ayon naman kay Mangatarem Police Station Chief PMAJ Arturo Melchor, patuloy nilang pinaiigting ang pagbabantay sa mga matataong lugar bilang parte ng kanilang mandato, lalo na’t paparating na ang holiday season.
Panawagan naman ni Joan sa publiko na lumaban ng patas at huwag gawing paraan ang paggawa ng krimen para kumita.









