*Cauayan City, Isabela-* Halos matupok na ng apoy ang isang residential area partikular sa isang tindahan sa Purok 1 ng Brgy. Alibadabad, San Mariano, Isabela.
Kinilala ang biktima na may-ari ng tindahan na si Alejandro Ulnagan Sr. habang ang sugatan na live-in partner nito ay nakilalang si Rosalinda Cabaldo, 67 anyos na nagtamo ng second degree burn sa kanang bahagi ng kanyang kamay.
Sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Senior Fire Officer Jaymar Domingo ng BFP San Mariano, batay sa kwento ng biktima, nagsimula anya ang sunog dahil sa isang defective na tangke na nasa tindahan kung saan isang customer anya ang bumili at nagsindi ng kanyang sigarilyo na malapit sa tangke.
Dito na umano nagsimulang sumiklab ang apoy na kumalat sa kanyang tindahan na tinatayang aabot sa halagang P150,000.00 ang napinsala ng sunog.
Ayon pa kay Fire Marshal Domingo, nakaligtaan umano ng mga biktima na isaayos ang nasabing tangke kaya’t patuloy naman ang kanilang pagpapaalala sa publiko na dapat maging maingat sa lahat ng bagay lalo na sa mga gamit sa loob ng bahay.