Tindera, Natangayan ng Kalahating Milyon!

Santiago City, Isabela- Nanginginig at maluha-luhang dumulog sa tanggapan ng PNP Station 1 Santiago City ang isang negosyante matapos matangay ng mga hindi pa nakikilalang suspek ang kanyang bag kahapon, Pebrero 5, 2018 sa palengke ng Centro East, Santiago City, Isabela.

Kinilala ang biktima at may-ari ng meat shop na si Elsa Galapon, 53 taong gulang at residente ng Patul, Santiago City, Isabela.

Sa panayan ng RMN Cauayan News Team sa biktima, saglit lamang na nilapag ng biktima ang kanyang maroon hand bag sa kanyang lamesa upang magtapon ng basura subalit nang kanyang balikan ay wala na ito sa lamesa.


Ayon kay Elsa, nasa mahigit kalahating milyon ang laman ng kanyang nawalang bag bilang collection at kita sa kanyang negosyo.

Ayon pa sa tindera, sa tagal niyang nagtitinda sa palengke ay ngayon lamang siya naging biktima ng pagnanakaw.

Samantala, ayon naman sa isang lalaking partidor na nakipag-ugnayan sa pulisya, may Nakita umano siyang dalawang batang lalaki na may bitbit na maroon hand bag at inilagay sa sako na akma sa nawawalang bag ng biktima.

Iniimbestigahan na ng kapulisan ang nagyaring insidente upang matugis ang mga suspek sa pagnanakaw.

Facebook Comments