Tindero ng Mantel, Huli sa Pag-iingat ng Pinatuyong Dahon ng Marijuana

Cauayan City, Isabela- Dinakip ng mga otoridad ang isang tindero ng mantel sa ikinasang drug buy-bust operation pasado alas-9:30 ngayong gabi sa Paraiso St. Brgy. Cabaruan, Cauayan City, Isabela.

Kinilala ang suspek na si Marko Graganta, 25-anyos, at residente ng Brgy. Minante 2, Cauayan City.

Ayon sa suspek, frame-up ang nangyari sa kanya at itinanggi nito na sa kanya ang pinatuyong dahon ng marijuana na kinumpiska ng mga otoridad.


Ikinuwento pa nito na posibleng sangkot ang isang babae na kanyang ka-chat sa social media kung kaya’t nagtaka ito ng sunduin siya ng ilang kalalakihan gamit ang isang pribadong sasakyan at dinala sa nasabing lugar at doon naganap ang hindi nito inaasahang insidente.

Paglalahad pa ni Graganta na matagal na niyang nakakachat ang babae at ngayong gabi ng yayain nito ang suspek para mag-inuman sa mismong bahay ng babae subalit tumanggi ang suspek at kalauna’y napapayag din ito ng kanyang ka-chat na sa bahay nalang babae mag-inuman.

Isang nagngangalang ‘Angel’ ang itinuturong sangkot sa kanyang pagkakahuli dahil minsan na rin umanong natanong ng babae kung may alam ba ang suspek na mapagkukuhanan ng iligal na droga at tahasang sinabi ng suspek na wala dahil hindi naman ito gumagamit ng droga.

Inamin din ng suspek na minsan itong nakagamit ng marijuana taong 2015.

Kinumpiska sa suspek ang isang pakete ng dahon ng marijuana, P200 na marked money at cellphone na sinasabi ng mga otoridad na posibleng ginagamit sa iligal na transaksyon.

Panawagan ngayon ng suspek na umiwas sa mga nakakachat sa social media at huwag agad magtiwala upang hindi mangyari ang pagkakahuli sa kanya.

Mahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2001 ang suspek na nasa kustodiya ngayon ng pulisya.

Facebook Comments