Ang disgrasyang kinahantungan ng ilang motorista sa tinaguriang ‘killer road’, dahil umano sa multo o kakaibang nilalang?
Balikan ang ilang naitalang sakuna sa umano’y ‘kalsada ng kababalaghan’.
- EDSA-Roxas Flyover
Sugatan ang limang katao nang maaksidente ang sinasakyan nilang UV Express sa EDSA-Roxas flyover sa Pasay City, madaling araw ng Mayo 20, 2016.
Salaysay ng ilang biktima, iniwasan ng drayber ang lalaking bigla daw tumawid. Pero giit ng awtoridad, imposibleng may dumaan sa nasabing bahagi ng tulay sapagkat masyadong mataas ang harang sa flyover.
Madalas raw ang aksidente doon at iisa lamang ang sinasabing dahilan – misteryosong lalaki na biglang tumatawid.
Paniniwala ng mga enforcer, multo ang nasa likod ng mga disgrasya.
2. Zigzag road sa Sual, Pangasinan
Kaluluwang hindi matahimik ang itinuturong sanhi ng mga disgrasya sa isang zigzag na kalsada sa Sual, Pangasinan.
Ayon sa mga residente, taon-taon may namamatay sa tulay kahit hindi naman ito matarik. Dagdag pa nila, white lady ang madalas magpakita doon.
Dekada ’70 umano nang may paslangin at itapong babae sa bangin subalit walang nakuhang bangkay hanggang ngayon.
Sa tala ng pulisya, pitong aksidente ang nangyari ngayong taon.
3. Tulay sa Brgy. San Agustin, San Rafael Bulacan
https://youtu.be/_z0BThPFLJU
Nasawi ang isang rider at sugatan naman ang angkas niya matapos maaksidente habang tinatahak ang nasabing tulay noong Marso 1, 2019.
Bumangga sa poste ang sinasakyang motorsiklo ni Argee Abante na kaniyang ikinamatay.
Pinaghihinalaang white lady ang may dulot ng insidente na umano’y nakunan sa CCTV.
Sa naging viral footage, makikitang nakaangkas ang isang babaeng may mahabang buhok at nakasuot ng puting bistida.
Ngunit lalaki ang nakasakay sa likod ni Abante nang mangyari ang insidente.
4. Old Zigzag Road o Bitukang Manok sa Atimonan, Quezon
Taong 2018 nang maging viral online ang video ng umano’y white lady na nakasakay sa likod ng multicab.
Pahayag ng uploader na si Patricia Camille Alvarez, napansin nila ang babaeng may mahabang buhok habang binabagtas ang Old Zigzag Road sa Atimonan Quezon, bandang alas-12 ng hatinggabi noong Agosto 14.
Kuwento ng ilang taga-Quezon, sikat ang ‘Bitukang Manok’ sa istoryang kagimgbal-gimbal dahil sa dami ng motoristang namamatay.
Nadidisgrasya umano ang kotseng sinasakyan ng elementong nagpaparamdam.