TINGNAN: Lalaking nanloob sa isang bahay sa US, nakuhanang pinanonood lang ang dalagitang natutulog

(Screenshot from CCTV footage of Angel Robinson's house)

KANSAS, US – Nakuhanan sa security footage ng isang bahay ang lalaking nanloob habang pinanonood ang dalagitang natutulog sa sofa.

Sa report ng local news outlet na KAKE, isang lalaking nakajacket ang makikita sa footage habang tinitingnan ang noo’y natutulog na 15-anyos na kinilalang si Aniya Robinson bandang alas 2 a.m noong Biyernes.

Ayon kay Aniya, nang magising daw siya ay naaktuhan niya ang lalaki habang nakatingin sa kanya.


Sa takot ay napatalon daw siya at nagsisigaw para alarmahan ang pamilya tungkol sa nanghimasok sa kanilang bahay.

Sa pahayag naman ng nanay nitong si Angel, siniguro niya munang ligtas ang 2-anyos na anak at si Aniya bago siya tumawag ng mga pulis.

Nang dumating ang awtoridad sa bahay ay wala na ang naturang lalaki.

Wala ring naiulat na nasaktan o nawala sa kanilang bahay.

Samantala, hiling naman ni Angel na makatulong ang footage para malaman ang pagkakakilanlan ng lalaki.

Facebook Comments