Kahit dismayado, hindi naiwasang matawa ng netizen sa gamit na binili sa isang kilalang online shopping website.
Kuwento ni Raymond Añonuevo, nahimok siyang bumili ng relo sa Lazada dahil bukod sa mura, buy 1 take 1 pa ito.
Pero sa halip na relo, “time machine” raw ang natanggap niya dahil pabaligtad ang andar nito.
“Walang relo sa ibang bansa na ganito, pabalik eh. Ang galing,” biro ng mamimili sa kaniyang Facebook post.
Sa kabila ng pangyayari, hindi na niya papalitan ang relong natanggap sa nasabing online shop.
Ayon kay Añonuevo, baka magmahal ang produkto balang araw kaya itatago na lamang niya ito.
Umani ng 2.5 million views ang bidyong kuha ng netizen at samu’t-saring nakababahalang reaksyon mula sa publiko.
Muling paalala ng Department of Trade and Industry (DTI), suriin maigi ang feedback ng tindahan at binebenta nilang gamit.
Bumili lang din sa mga lehitimong online shopping sites dahil mahirap mag-purchase ng bagay na hindi man lang naiinspeksyon o nasusukat.
Dagdag pa ng kagawaran, agad makipag-ugnayan sa binilhang e-commerce site kung palpak ang item na inorder.