TINGNAN: Sandamakmak na dikya, namataan sa El Nido, Palawan

Courtesy Alimar Amor

Agaw-pansin ngayon sa social media ang video ng sangkaterbang dikya na namataan sa karagatang sakop ng Barangay Corong-Corong, sa El Nido, Palawan.

Sa kuha ni Alimar Amor, makikitang dikit-dikit ang mga jellyfish at halos naging kulay pula na ang tubig dahil sa dami nito.

Umani ng mahigit 900,000 views sa Facebook ang video na unang inupload noong Marso 23.


Nabatid ng isang eksperto roon na normal lamang ang pagdami ng mga dikya tuwing sumasapit ang tag-init.

“Maski saang dako ng mundo basta tropical countries pagdating ng tag-init nabubuhay ang mga yan,” tugon ni Rey Temponuevo, OIC Provincial Fisheries officer, sa panayam ng Palawan News.

Ayon naman kay Jovic Fabello, tagapagsalita ng Palawan Council for Sustainable Development (PCSD), jellyfish bloom ang tawag sa nasabing phenomena.

“Mabuti na yan para maraming pagkain ang mga pawikan at ibang marine animals. Jellyfish eats small fishes and small marine animals too, but they also serve as food for larger marine species like turtles and other bigger fishes,” dagdag ni Fabello.

Ang mga naispatang jellyfish ay tinatawag na tomato jellyfish o labong-labong at may scientific name na “crambione cf. mastigophora.”

Facebook Comments