Manila, Philippines – Tiniyak ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na kikilatising mabuti ng oposisyon ang 29 na kasunduang nilagdaan ng Pilipinas at China kasabay ng pagbisita sa bansa ni Chinese President Xi Jinping.
Giit ni Drilon – kapag nakita nilang labag sa konstitusyon at mga batas ng bansa ang mga kasunduan, agad nila itong idudulog sa korte.
Aniya, dapat na magsilbing leksyon sa gobyerno ang mga naudlot na malalaking kontrata ng Pilipinas sa China noong administrasyong Arroyo dahil sa isyu ng korapsyon.
Tinukoy ng Senador ang North Rail Project na nagkakahalaga ng 421-million dollars at ang kontrobersyal na nbn – ZTE deal na nagkakahalaga naman ng 329-million dollars.
Kaugnay nito, nanawagan din si drilon sa Administrasyong Duterte na pairalin nang buong-buo ang transparency sa mga kontrata lalo na ang kasunduan sa joint oil and gas exploration sa West Philippine Sea.
Dapat aniya na matiyak na mangingibabaw ang bansa dahil nakasaad sa konstitusyon na ang exploration, development at utilization ng natural resources ay kailangang nasa full-control at superbisyon ng gobyerno ng Pilipinas.