Manila, Philippines – Tiniyak ng Palasyo ng Malacañang na hindi napababayaan ng pamahalaan ang kaso ni Mary Jane Veloso na nahaharap sa parusang bitay sa Indonesia.
Ayon kay Presidential Spokesman Secretary Harry Roque, habang buhay si Veloso ay maituturing itong malaking tagumpay ng pamahalaan.
Hindi aniya nakakalimutan ng Pamahalaan na bigyan ng karampatang tulong si Veloso sa usaping legal.
Ito naman ang sinabi ng Malacañang sa harap na rin ng apela ni Veloso kay Pangulong Duterte na payagan siyang makapagsalita laban sa kanyang recruiter.
Iginiit ni Veloso na siya ay isang biktima ng illegal recruitment at walang kinalaman sa transaksyon ng iligal na droga na kinasasangkutan nito.
Matatandaan na sinabi ni Pangulong Duterte na mayroong sariling batas na ipinatutupad ang Indonesia at igagalang niya anoman ang kanilang magiging desisyon sa kaso ni Veloso.