Manila, Philippines – Tiniyak ng Malacañang na walang makukuhang suporta kay Pangulong Duterte ang “no election” (no-el) scenario sa 2019.
Ito ay sa harap na rin ng patuloy na paggigiit ni House Speaker Pantaleon Alvarez na huwag magkaroon ng eleksyon sa susunod na taon.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, napag-usapan na nila ng Pangulo ang isyu at tiniyak nitong wala siyang anumang kinalaman o basbas sa pinapalutang na “no-el” ni Alvarez.
Aniya, ang gusto ng Pangulo ay maisabay na ang referendum para sa pederalismo sa 2019 elections.
Gayunman, sinabi ni Roque na wala ng magagawa ang Malacañang kung mismo ang taumbayan na ang susuporta sa charter change.
Matatandaang iminungkahi rin ni Alvarez na pwedeng magsagawa ng peoples initiative ang mga sumusuporta sa pederalismo kung magiging balakid dito ang Senado.