Manila, Philippines – Tiniyak ng Department of Finance na hindi maaapektuhan ang mga infrastructure projects sa ilalim ng Build build Build Program ng Administrasyong Duterte ng inaasahang mawawalang kita ng gobyerno sa excise tax mula sa produktong petrolyo.
Matatandaan na sa susunod na taon kasi ay napagdesisyonan na ng Administrasyon na hindi na ipatupad ang ikalawang bahagi ng sisingiling excise tax sa produktong petrolyo sa ilalim ng TRAIN Law na nagkakahalaga ng 2 piso kada litro.
Sa briefing sa Malacañang ay sinabi ni Finance Assistant Secretary Toni Lambino na aabot sa mahigit 40 bilyong piso ang mawawalang kita ng pamahalaan sa pagsuspinde ng paniningil sa excise tax sa petrolyo sa susunod na taon.
Kaya naman sinabi nito na inaalam na ngayon ng Economic Team ng Administrasyon kung saang aspeto ng pondo sila magtitipid para saluhin ang mawawalang 40 billion pesos na kita.
Pero binigyang diin nito na hindi maaapektuhan ang mga infrastructure projects at tanging sinisilip na titipirin ay ang mga non-infrastructure projects.
Sinabi din naman nito na pinagaaralan pa ng Economic Team kung maaapektuhan ang mga social services projects ng Pamahalaan tulad ng Pantawid Pamilya Pilipino Program, libreng paaral sa mga government universities and colleges at iba pang direktang napakikinabangan ng mamamayan.