Manila, Philippines – Tiniyak ng Palasyo ng Malacañang na hindi sila papayag na magkaroon ng anomang paglabag sa batas sa usapin ng 2019 national budget sa harap na rin ng issue ng insertion na isiningit sa Department of Public Works and Highways (DPWH).
Ito ang reaksyon ng Palasyo matapos gisahin ni House Majority Leader Rolando Andaya Jr. si Budget Secretary Benjamin Diokno ukol sa sinasabing 75 billion pesos na insertion para sa DPWH.
Ayon kay Chief Presidential Legal Counsel at Presidential Spokesman Secretary Salvador Panelo ang gusto lamang nila ay mabigyan ng pantay na oportunidad ang lahat ng distrito at maibigay ang serbisyo ng gobyerno sa taumbayan.
Pero sinabi nito na kung mayroon mang pagkakamali sa isinumiteng budget ay trabaho na ng Kongreso na pag-aralan at ituwid kung anoman ang makikitang mali.
Binigyang diin din ni Panelo na walang intensyong labaging batas ang pamahalaan patungkol sa budget at walang intensyong gawin ito at ang gusto lamang aniya ng administrasyon ay ihatid ang tamang serbisyo sa mamamayan.