
Manila, Philippines – Tiniyak ni Special Assistant to the President Secretary Bong Go na hindi itinuturing na kaaway ni Pangulong Rodrigo Duterte ang simbahang Katoliko.
Sa General Membership meeting ng Kapisanan ng mga Broadcaster ng Pilipinas o KBP ay sinabi ni Go na sa katunayan ay labis-labis ang pagkabahala ni Pangulong Duterte sa serye ng pagpatay sa mga pari.
Tiniyak ni Go na handa si Pangulong Duterte na magbigay ng proteksyon sa mga pari sa pamamagitan ng tulong ng Philippine National Police (PNP).
Nagpaliwanag naman si Go kung bakit kritikal si Pangulong Duterte sa simbahan.
Ayon kay Go, ayaw ni Pangulong Duterte na pinakikialaman o pinangungunahan siya ng mga alagad ng simbahan sa kanyang trabaho bilang Pangulo ng Bansa.
Ang gusto aniya ng Pangulo ay gawin nalang ng mga pari ang kanilang trabaho at siya naman ay gaawin din ang kanyang mandato.









