Manila, Philippines – Tinuligsa ng mga taga-oposisyon ang draft federal constitution na inihain ni Speaker Gloria Arroyo.
Ayon kay Akbayan Rep. Tom Villarin, inililihis ng resolution of both Houses #15 dahil kino-convert nito ang Kamara bilang Constituent Assembly na walang kaalam-alam ang publiko.
Hindi rin umano katanggap-tanggap ang transitory provision on succession ng draft federal constitution kung saan isinasantabi sa Bise Presidente sakaling mamatay o bumaba sa pwesto ang Pangulo dahil sa resignation o incapacity.
Banat pa ni Villarin, mistulang kasangga ni Pangulong Duterte si Arroyo dahil sa mga kaduda-dudang pagbabago sa saligang batas gaya ng pagtatanggal ng term limit at pagbabawal sa political dynasty.
Naniniwala naman si Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate na desperado ang administrasyon na buhayin ang naghihingalong charter change.
Kahina-hinala din ang timing ng paghahain noong Setyembre ng Resolution of Both Houses # 15 dahil isinabay ito sa pagpapasa habang abala ang kapulungan sa budget.
Babala ni Zarate, sa oras na mapagtibay ang chacha na isinusulong ngayon sa Kamara ay posibleng hindi matuloy ang 2019 elections at mauurong ito sa 2022.