TINULIGSA | Farolan, umani ng batikos mula sa mga senador

Binatikos ng mga senador si UP Regent Spocky Farolan dahil sa mensahe nito sa social media na nanghihikayat ng karahasan laban sa mga basketbolista ng Ateneo blue eagle.

Giit ni Senator Kiko Pangilinan, dapat agarang magbitiw sa pwesto bilang miyembro ng UP Board of Regents si Regent Farola dahil ang mga pahayag nito sa social media ay di-katanggap-tanggap at kahiya-hiya sa Unibersidad ng Pilipinas.

Sabi naman ni Senator Nancy Binay, alang-alang sa delicadeza at pagmamahal sa UP, makabubuti kay Farolan na magbitiw dahil inilagay nito sa masamang sitwasyon ang unibersidad.


Ayon pa kay Binay, kahit sa larangan ng palakasan ay dapat dangal at husay pa rin ang binabandera ng UP at hindi kultura ng karahasan.

Nakikiisa rin si Senator Koko Pimentel sa panawagan kay Farolan na magbitiw.

Dagdag pa ni Pimentel, nagkaroon lang ng posisyon si Farolan at akala nito ay kung sino na siya.

Si Committee on Education Chairman Senator Chiz Escudero naman na miyembro rin ng UP Board of Regents ay mariing komontra din sa mga pahayag ni Farolan.

Sabi ni Escudero, naglabas na ang UP Board of Regents ng pahayag na komokondena sa mga sinabi ni Farolan at bumabawi rin sa kanilang rekomendasyon ng re-appointment dito.

Facebook Comments