Tinuligsa ng isang mambabatas ang Panay Electric Company (PECO) matapos na hindi magustuhan ang paninisi nito sa Kamara at Senado dahil sa mararanasang blackout sa Iloilo City bunsod ng hindi pagre-renew ng kanilang prangkisa.
Iginiit ni Paranaque Rep. Gus Tambunting na maling mali ang ginagawang pamba-blackmail ni PECO Legal Counsel Inocencio Ferrer matapos sabihing ititigil ng distribution utility ang kanilang operasyon sa January 18, 2019 kung hindi makakakuha ng renewal ng congressional franchise.
Binigyang diin ng kongresista na hindi kasalanan ng mga consumers at ng mga mambabatas kung hindi marenew ang prangkisa ng PECO.
Napagdesisyunan na rin aniya ng Kamara na ibigay sa nararapat na kumpanya ang prangkisa.
Una nang inirereklamo ng mga consumer ang overcharging ng PECO, lumang mga pasilidad gaya ng mga poste na mapanganib na sa kaligtasan ng publiko, mababang kalidad ng customer service at sobrang taas na singil.