Manila, Philippines – Mariing tinututulan ni Magdalo Party list Rep. Gary Alejano ang mandatory drug test na nais ipatupad ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa mga Grade 4 students sa lahat ng pampubliko at pampribadong paaralan sa buong bansa.
Giit ni Alejano, kailangang ikunsidera muna ng PDEA ang psychological effects ng mandatory at surprise drug testing sa mga bata.
Aniya, maaari itong magdulot ng takot at trauma sa mga bata lalo na kung hindi ito naisagawa ng maayos ng mga otoridad.
Maliban sa posibleng idulot na lamat sa isip at pagkatao ng isang bata, dagdag na gastos lamang ito sa gobyerno at sa mga magulang.
Iginiit ng mambabatas na dapat mas pagtuunan ng pansin ng pamahalaan ang ugat at pinanggagalingan ng iligal na droga na karaniwang bumibiktima sa mga mahihirap.