
Hinimok ni Finance Committee Chairman Sherwin Gatchalian ang mga kritiko ng Medical Assistance to Indigent and Financially Incapacitated Patients (MAIFIP) na tingnan ang medical assistance program sa pangkalahatan o kabuuan.
Matatandaang tinutuligsa ng ilang grupo ang MAIFIP na tinaasan sa P51 billion na isa umanong pork barrel ng mga mambabatas.
Giit ni Gatchalian, malaki ang naitutulong ng MAIFIP sa mga kababayan lalo na’t madalas ay punong-puno na ng mga pasyente ang government o public hospitals kaya napipilitan ang mga pasyenteng magpagamot sa pribadong ospital.
Pero dahil 40% lang ang sinasagot ng PhilHealth sa bayarin sa private hospital kaya dito na aniya pumapasok ang medical assistance program na siyang sasalo sa kulang na bayarin pa ng isang pasyente.
Hinimok ni Gatchalian na huwag lamang tingnan ang problema sa PhilHealth, medical assistance o ang zero balance kundi ang kabuuang health system tulad ng kakulangan sa supply side at overcapacity sa mga pampublikong pagamutan.
Inirekomenda rin ni Gatchalian sa Department of Health (DOH) na baguhin ang kanilang sistema kung saan diretso na sa ahensya at hindi na dadaan sa mga politiko ang guarantee letter para sa medical assistance.










