May rekomendasyon si Partido Reporma chairman at standard-bearer Panfilo ‘Ping’ Lacson para sa mga naduduwag na dumalo sa mga forum at gustong mahasa ang kanilang kasanayan sa pagharap sa publiko upang maglahad ng kanilang mga ideya o tumugon sa mahihirap na katanungan.
“Kung hindi mo alam, magbasa ka. Kung hindi mo maintindihan ‘yung binasa mo, magtanong ka. Kung ikaw naman ay magtatanong, makinig ka. At kung nakinig ka at hindi mo pa rin ma-absorb ay huwag ka nang mag-attempt,” lahad ni Lacson sa panayam ng DZRH, Lunes ng umaga.
Isa pang tip, biro ni Lacson, para hindi mapahiya ang isang dumalo sa debate at sumubok na makilahok sa balitaktakan pero hindi naman makasabay sa diskusyon: “Patayin mo internet mo para hindi maintindihan sinasabi mo.”
“Importante talaga mag-aral. ‘Di ba, sabi ko nga doon, ang kasabihan huwag kang sasabak sa giyera kung hindi ka handa. Mahirap ‘pag sinasalang ka doon. Angel, ikaw, sinalang mo kami e, mahirap ka rin magtanong e,” sabi ni Lacson sa radio host na si Angelo Palmones.
Sa mga nakalipas na presidential interview kay Lacson at sa apat na iba pang kandidato ngayong Halalan 2022, nangibabaw ang standard-bearer ng Partido Reporma dahil sa diretso ang kanyang mga naging tugon sa mga katanungan hinggil sa mga suliranin ng bansa, at sa mga kinakalkal na isyu tungkol sa kanya tulad ng Kuratong Baleleng, Dacer-Corbito case, at iba pang mga propaganda at fake news.
Batay sa isang ulat matapos ang ginawang KBP Forum noong Biyernes na kinuha ang pulso ng netizens tungkol sa mga presidential candidate, si Lacson ang nakakuha ng pinakamataas na positive mentions (24%) at pinakamababang negative mentions (18%); 51% lamang ang neutral at 5% ang not rated.
Ilang mga political analyst din ang nagpahayag ng kanilang obserbasyon na si Lacson ang nagpamalas ng kahandaan at kahusayan sa paglalahad ng mga plataporma at plano para sa bansa kung siya ang magiging pangulo sa susunod na anim na taon.
Kaugnay nito, nagpasalamat si Lacson sa kanyang mahusay at masisipag na mga staff na tumulong sa kanya upang malinaw na maipresenta ang kanyang mga ideya sa publiko.
“Tuwing matatapos ‘yung mga forum, masaya ako e. ‘Yon ang indikasyon na satisfied ka sa ginawa mo, sa performance mo. ‘Pag ikaw nakasimangot pagkatapos ng forum, maski sabihin mong satisfied ka, walang maniniwala sayo. Tapos kung ikaw ay nag-e-explain, ang dami mong dahilan, ibig sabihin hindi ka satisfied,” sabi ni Lacson.
“At saka alam mo, ‘yung mahihirap na tanong, nagpapasalamat pa nga ako e kasi… Hindi mo kailangang memoryahin ang katotohanan, Angel. Kung kasinungalingan, maski memoryahin mo, sasalto ka,” dagdag niya.