Ang pananakit ng ulo ang isa sa karaniwang sakit na maaaring nating maranasan. Sinuman ang makaranas nito ay maaaring maapektuhan ang anumang ginagawa o gagawin tulad ng pagta-trabaho, pag-aaral, pagbiyahe, o kaya naman ay kahit simpleng pakikipagusap lamang. Kapag umatake ang sakit sa ulo, sinoman ba naman ang ayaw na mawala agad ito?
Kaya narito ang ilan sa mga puwede mong gawin upang mawala ang pananakit ng ulo.
1) Ipikit ang mga mata– Isa sa pinakaepektibong paraan para sa sakit sa ulo at migraine. Umupo sa isang medyo madilim na kuwarto at ipikit ang mga mata at mag-relax. Nakakatulong ito para kaw ay makatulog na siyang paraan din naman upang mawala ang sakit sa ulo.
2) Masahiin ang leeg at sentido– nakakatulong ito upang gumanda ang daloy ng dugo.
3) Kailangan mainitan ang leeg at sentido– puwede maglagay ng heating pad o kaya ay mainit na tela sa mga lugar na ito. Kapag hindi pa rin nawala ang sakit sa ulo, puwedeng sumubok maglagay ng ice pack.
4) Mag-relax– huminga nang malalim ng ilang beses at mag-meditate.
5) Umiwas sa dagdag stress– umiwas muna sa mga maiingay na lugar, umuwi muna agad sa bahay at maaring ipasuyo muna ang mga gawaing bahay sa iyong partner.
6) Bantayan ang kakainin at iinumin– umiwas muna sa mga inuming may caffeine at alcohol. Umiwas din sa paninigarilyo. Kumain ng mga pagkaing mayaman sa Magnesium tulad ng beans, mani, broccoli, kalabasa at mga dahon na gulay.