Sa paglobo ng positibong kaso ng COVID-19 sa bansa, iisa lamang ang tanong ng publiko: paano maiiwasan ang nasabing virus?
Narito ang payo ng Department of Health (DOH) at World Health Organization (WHO) para maprotektahan ang sarili laban sa kinatatakutang sakit.
- Hugasan nang madalas ang mga kamay
Ayon sa mga eksperto, isa ang kamay sa madalas pasukan ng bacteria at virus o magamit para makahawa. Maliban sa palad at likod nito, siguraduhing linisin ang daliri, gitna ng daliri, kuko, at braso nang hindi bababa sa 30 segundo.
Dapat malinis ang tubig at gumamit ng sabon tuwing maghuhugas ng kamay. Pagkatapos nito, maaring magpahid ng alcohol o hand sanitizer. Isara ang gripo gamit ang tissue at itapon ito sa basurahan.
2. Iwasan hawakan ang mata, ilong, at bibig kung ‘di pa malinis ang kamay
Kapag kontaminado ang nasabing parte, maaring pumasok sa katawan ang virus at magdulot ng sakit.
3. Takpan ang ilong at bibig tuwing bumabahing o umuubo
Malaki ang posibilidad na maipasa sa ibang tao ang droplet o mikrobyo kapag walang ginamit na pantakip sa ilong o bibig.
Imbis na panyo o tuwalya, mas mainam daw na gumamit ng disposable tissue. Kung walang pansalo, umubo o bumahing gamit ang braso o siko at wag itong kakalimutan hugasan.
4. Umiwas sa matataong lugar at pakikisalamuha sa sinumang may ubo o lagnat.
Kailangan i-practice ang social distancing para mailayo ang sarili sa kahit anong karamdaman. Kung may makasalamuhang nilalagnat o inuubo, tiyaking isang metro ang layo ng pagitan niyong dalawa.
5. Manatili sa loob ng bahay kapag masama ang pakiramdam
Mas mabilis kang gagaling at maiiwasan pa ang pagkalat ng virus o bacteria.
6. Kung maysakit, agad nang magpasuri sa doktor
Kapag nagpakonsulta sa espesyalista, ikaw ay mabibigyan ng tamang diagnosis at gamutan. Puwede ka rin sumailalim sa angkop na medical procedure kung kinakailangan. Pero paalala, huwag magsisinungaling sa exposure at travel history para maibsan ang hawaan.
7. Huwag maniniwala sa fake news
Kumuha lamang ng impormasyon sa mga awtoridad o mapagkakatiwalaang source para maiwasan ang paglaganap ng maling balita na maaring magdulot ng panic sa publiko.
Huwag din maniniwala sa mga chain message o kahit anong nababasa sa social media na hindi beripikado ang detalye.