Tipsters, pinagkalooban ng PNP ng ₱1.8-M

Binigyang gantimpala ng Philippine National Police (PNP) ng kabuuang ₱1.8 million ang mga confidential informants na nagbigay ng impormasyon na nagresulta sa pagkakadakip ng 13 most wanted person.

Pinangunahan ni Philippine National Police (PNP) Director for Intelligence Police Major General Benjamin Acorda ang pamamahagi ng nasabing reward money sa 13 claimants sa Kampo Krame.

Ang mga nadakip na akusado ay may nakabinbing warrant of arrest na inisyu ng iba’t ibang korte para sa mga kasong murder, rape, forcible abduction with rape, multiple frustrated murder, at multiple attempted murder.


Ayon kay PMGen. Acorda, ang pagbibigay ng pabuya ay isa sa mga programa ng PNP para sa agarang pagkakadakip sa mga tinaguriang most wanted persons.

Kasunod nito, hinihimok ng pamunuan ng PNP ang publiko na ipagbigay-alam din sa mga otoridad ang mga impormasyong may kinalaman sa mga indibidwal na pinaghahanap ng batas.

Facebook Comments