Muling binatikos ni House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Party-list Rep. France Castro ang mga pahayag ng China na aniya’y pawang kasinungalingan na nagpapakita ng pagiging disperado para salagin ang pagkontra dito ng iba pang mga bansa sa buong mundo.
Reaksyon ito ni Castro makaraang muling maglabas ng magkahiwalay na pahayag ang Chinese Ministry of Foreign Affairs at Ministry of National Defense na gumigiit sa kanilang pag-aangkin sa Ayungin Shoal at Panatag Shoal na sakop ng 370-kilometer exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.
Diin pa ni Castro, hindi lamang ito isyu sa pagitan ng Pilipinas at China dahil may iba pang bansa ang umaangkin din sa iba pang bahagi ng South China Sea na inaangkin din ng China tulad ng Taiwan, Brunei, Malaysia, at Vietnam.
Ayon kay Castro, ang nabanggit na claim ng ibang mga bansa at ang 2016 arbitral ruling na pumapabor sa Pilipinas ay lalo lang nagbabasura sa pag-aangkin ng teritoryo ng China.
Para kay Castro, mas mainam din kung magkakapit bisig ang lahat ng claimant countries para supalpalin ang pag-aangkin ng China ng teritoryo.