Manila, Philippines – Tiniyak ni House Committee on Appropriations Chairman Karlo Alexei Nograles na agad nilang isasalang ang pagtalakay sa 2019 national budget.
Ayon kay Nograles, pagkatapos na isumite ni Pangulong Duterte ang pambansang pondo sa susunod na taon ay agad nilang sisimulan ang pagdinig sa budget sa July 31.
Target naman na matapos sa katapusan ng Agosto ang committee deliberations sa P3.757 Trillion para sa 2019.
Matapos ang pagdinig sa komite ay agad isasalang sa plenaryo ang budget at sa buwan ng Setyembre ay inaasahang maaaprubahan na sa ikatlo at huling pagbasa ang 2019 General Appropriations Act.
Samantala, inaabangan din sa Kamara kung mapapalitan din ang mga chairman ng bawat komite matapos na ganap na maging speaker ng Mababang Kapulungan si dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Representative Gloria Arroyo na kapalit ng napatalsik na dating House Speaker Pantaleon Alvarez.
Si Arroyo din ang kauna-unahang babaeng speaker ng House of Representative.