TITIYAKIN | 3 pulis Caloocan na sangkot sa Kian slay, hindi bibigyan ng pardon ni PRRD – Malacañang

Manila, Philippines – Tiniyak ng Palasyo ng Malacañang na hindi mabibigyan ng Pardon ang sinumang alagad ng batas na napatunayang guilty sa pagpatay sa mga sibilyan.

Ito ang sinabi ng Palasyo matapos magdesisyon ang Caloocan Regional Trial Court Branch 125 at hatulan ng reclusion perpetua ang tatlong pulis na pumatay kay Kian Delos Santos.

Guilty sa kasong murder sina PO3 Arnes Oares, PO1 Jeremias Pereda at PO1 Jerwin Cruz.


Ayon kay Chief Presidential Legal Counsel at Presidential Spokesman Secretary Salvador Panelo, kahit mayroong mga naging pahayag noon ang Pangulo na bibigyan ng pardon ang mga sundalo at pulis na tinutupad lamang ang kanilang tungkulin ay hindi naman kinukunsinti ng Pangulo ang malinaw na paglabag sa batas.

Ang kaso aniya ni Kian ay isang murder conviction at malinaw na mayroong intensyon na patayin ang biktima.

Binigyang diin pa ni Panelo na ipinapakita nito na maayos na gumugulong ang judicial system ng bansa taliwas sa ipinapakita ng iba.

Patunay din aniya ito na nagtrabaho ng mabilis at maigi ang prosekusyon kaya 6 na buwan lang ay nakamit ng pamilya ni Kian ang hustisya.

Matatandaan na nagpunta ang pamilya ni Kian sa Malacañang at humarap kay Pangulong Duterte para humingi ng hustisya para sa kanilang anak.

Pero makalipas naman ang ilang araw ay tila nagbago ang pananaw ng pangulo nang mabigyan ito ng ibang impormasyon at development sa kaso na siyang dahilan para magduda ito sa ama ng biktima at inatasan ang mga otoridad na laliman pa ang imbestigasyon.

Facebook Comments