TITIYAKIN | DOJ, nangangalap na ng mga detalye kaugnay ng reklamo laban sa isang piskal ng Paranaque City

Manila, Philippines – Nangangalap na ang Department of Justice (DOJ) ng karagdagang mga impormasyon kaugnay ng reklamo ng Tiger Resort Leisure and Entertainment Incorporated laban kay Paranaque City Prosecutor Amerhassan Paudac.

Ito ang tiniyak ni Justice Secretary Menardo Guevarra matapos na mag-leak at ma-post sa social media ang resolusyon sa kasong estafa na inihain ng Tiger Resort laban kay Japanese Gaming Tycoon Kazuo Okada.

Ayon kay Atty. Alfredo Malvar, abugado ng Tiger Resort, pursigido silang dumulog kay Guevarra para ireklamo si Paranaque City Prosecutor Paudac.


Ang Tiger Resort ang may-ari ng Okada Manila Casino Resort and Hotel.

Una nang lumabas ang kopya ng resolusyon ng Paranaque Prosecutors Office na nagbabasura sa dalawang reklamo ng estafa laban kay Okada.

Lumabas ang kopya ng resolusyon sa social media account ng isang taong hindi partido sa kaso, gayong ang mismong Tiger Resort na naghain ng reklamo at ilang beses nang nagtanong kaugnay sa estado ng kaso ay hindi pa nabibigyan ng kopya.

Naghain na ang complainant ng urgent motion para sa pag-i-inhibit ni Paudac sa kaso.

Si Okada ay nahaharap sa multiple counts of estafa dahil sa paglustay sa mahigit $10 million na pondong pag-aari ng TRLEI o Tiger Resort Leisure & Entertainment Incorporated sa pagitan ng 2016 at June 2017.

Facebook Comments