Manila, Philippines – Tiniyak ni DPWH Secretary Mark Villar na hindi nito kukunsintihin ang mga opisyal ng ahensiya na masasangkot sa mga milyong suhulan sa DPWH.
Ang pahayag ay ginawa ni Secretary Villar matapos na ibunyag ng Presidential Anti -Corruption Commission o PACC ang pagtanggap umano nina District Engineer Roberto Nicolas, Tess Orquia, Engr. Melody Dominguez, Engr.Luisito Ponancio at Vilma Gomez mula sa isang contractor para sa proyektong itinatayo sa Pasig City.
Ibinulgar kasi ni PACC Commissioner Greco Belgica, na ang mga nasabing opisyal ay sinuspinde na sa puwesto ni Pangulong Rodrigo Duterte matapos na mapatunayan ang pagtanggap ng Standard Operating Procedure o SOP sa pamamagitan ng video na ipinadala ng isang complainant sa PACC.
Paliwanag ni Belgica kitang-kita aniya sa video ang pagtanggap ng bungkos ng pera nina Vilma Gomez at Tess Orquia, mga opisyal ng DPWH na lubhang ikinadismasya ng kalihim.