Manila, Philippines – Tiniyak ni Public Works and Highways Secretary Mark Villar na gagawin ng kanyang ahensya ang lahat para agad maisaayos ang nasirang Otis bridge sa Maynila.
Ayon kay Villar, 24 / 7 ang gagawing konstruksyon ng tulay para mapabilis ang pagkukumpuni nito na sinimulan naman kagabi.
Papalo naman sa 37 million pesos ang gagastusin ng DPWH sa naturang proyekto para tuluyan itong maisaayos.
Plano pa ni Villar na muling mapakinabangan ang naturang tulay siyam na buwan mula ngayon o Marso ng susunod na taon.
Matatandaang nitong Martes, Hunyo 26 na makitaan ng bitak ang naturang tulay dahilan para hindi na ito padaanan sa mga motorista.
Ayon kay South Manila Engineer Mike Makud, kalumaan ang naging dahilan ng pagkasira ng 50 year old Otis bridge at ang mga nakatakda sanang pagkukumpuni nito ay nauurong dahil sa iba pang proyekto ng pamahalaan.