Manila, Philippines – Tiniyak ni House Deputy Speaker Raneo Abu na mapapakinabangan ng mga Pilipino ang ipinasa ng House Committee on Ways and Means na General Tax Amnesty o TRAIN 1B.
Ayon kay Abu, welcome development para sa mga taxpayers mula sa lahat ng antas ng pamumuhay ang pagpasa sa panukala kung saan sisimplehan at luluwagan ang proseso ng pagbabayad ng buwis.
Tiwala ang isa sa lider ng Kamara na magbe-benepisyo sa TRAIN 1B ang mga ordinaryong mamamayan na hirap bayaran ang estate tax ng mga namayapang mahal sa buhay gayundin ng mga negosyante na may unsettled tax liabilities sa gobyerno.
Dahil sisimplehan ang pagbabayad ng tamang buwis ay mabibigyang pagkakataon ang mga Pilipino na malinis ang kanilang record.
Sa ilalim ng substitute bill, ang mga taxpayers na nais makapag-avail ng amnestiya sa pagbabayad ng buwis mula taxable year 2017 hanggang sa mga naunang taon ay maaaring magbayad ng 8% ng kanilang net worth o ₱10,000 hanggang ₱10 million depende sa taxpayer classification at kung alin ang mas malaki.