Manila, Philippines – Ipinahayag ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na makakatanggap ng insurance benefits ang lalaking naputulan ng kanang braso nang magkagitgitan ang dalawang bus sa EDSA-Kamuning noong Sabado.
Ayon kay LTFRB Board Member Atty. Aileen Lizada, naabisuhan na ng kanyang tanggapan ang insurance service provider na Passenger Accident Management and Insurance Agency o PAMI para matulungan si Daniel Malapit Morcoso 29 taong gulang na taga San Jose Del Monte City, Bulacan.
Ngayong araw, bibisitahin ng kinatawan ng insurance firm ang biktima at pamilya nito na proseso bago pagkalooban ng benepisyo.
Sinabi ni Lizada na legal ang prangkisa at may certificate of public convenience ang Mayamy Bus na sinasakyan ni Daniel maging ang nakagitgitan nitong Kellen aircon bus.
Ang naaksidenteng pasahero ay makakatanggap ng benepisyo mula sa PAMI ng halagang P100,000.
Kasalukuyan pang nagpapagaling sa pagamutan ang biktima na hindi naman pinababayaan ng bus company.