Manila, Philippines – Tiniyak ng Palasyo ng Malacañang na hindi natutulog sa pansitan ang gobyerno sa harap ng patuloy na pagtaas ng presyo ng pangunahing bilihin sa merkado.
Ayon kay Presidential Spokesman Secretary Harry Roque, lahat ng mga dapat gawin ay ginagawa ng pamahalaan para mapababa ang presyo ng bilihin sa bansa partikular ang presyo ng galunggong manok at baboy.
Sinabi ni Roque na partikular na ginagawa ng pamahalaan ay pinaparami nito ang supply ng manok, galunggong at baboy upang bumaba ang presyo nito sa merkado.
Paliwanag ni Roque, papasok ang law of supply and demand sa ginagawa ng gobyerno dahil pinatataas nito ang supply kaya asahan na bababa din ang presyo nito.
Sa usapin naman aniya ng manok ay mayroon ipinataw na Suggested Retail Price (SRP) ang pamahalaan at maaari din aniya itong ibaba ng gobyerno para makamura ang mamamayan.
Isinisi naman ni Roque sa pagtaas ng presyo ng petroleum products ang sunod-sunod na pagtaas ng pangunahing bilihin.
Patunay aniya ito na mayroong mga hakbang na ginagawa ang gobyerno at hindi natutulog sa pansitan para mapagaan ang buhay ng mga Pilipino.