Manila, Philippines – Tiniyak ng Malacañang na walang sasantuhin kaugnay sa kampanya kontra sa korapsyon.
Ito ang sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo matapos irekomenda ng NBI sa DOJ na sampahan ng kasong graft si dating Customs Commissioner at ngayoy TESDA Director General Isidro Lapeña kaugnay ng nakapuslit na P6.8 bilyon na shabu shipment sa BOC.
Ayon kay Panelo, walang sinuman ang makaliligtas sa pananagutan sa batas kahit pa kaibigan o kalaban sa pulitika ni Pangulong Rodrigo Duterte ang masasangkot sa korapsyon.
Aniya, ang ginawang hakbang ng NBI ay patunay lamang na hindi pinagtatakpan ng Pangulo ang sinuman sa kaniyang mga tauhan na nabahiran ng duda ang pagkatao dahil sa isyu ng korapsyon.
Gayunman, sabi ni Panelo na hanggang sa ngayon ay maituturing pa ring inosente si Lapeña hanggat hindi napatutunayan ng korte na guilty ito.
Patuloy pa aniya tinatamasa ni Lapeña ang kumpiyansa at tiwala ni Pangulong Duterte.