Pinawi ng National Food Authority (NFA) ang pangamba ng publiko kaugnay sa posibleng kakapusan ng supply ng NFA rice.
Kasunod na rin ito ng nakitang mga rice weevil o bukbok sa sako ng bigas na nasa Subic Bay Freeport Zone at pantalan sa Tabaco City, Albay.
Sa interview ng RMN DZXL Manila kay NFA Spokesperson Rex Estoperez, tiniyak nito na mapapakinabangan pa ang mga may bukbok na bigas matapos na isailalim sa fumigation o pagpapausok ng mga gamot para mapuksa ang mga insekto.
Paliwanag ni Estoperez, normal na nangyayari sa mga stock ng bigas ang pagkakaroon ng bukbok ang bigas pero dapat ay mapatay muna ito bago dalhin sa mga bodega nila.
Tiniyak rin ni Estoperez na handa silang magbigay ng karagdagang suplay ng bigas sa Cagayan Region at gitnang Luzon.
Batay sa pagtataya ng NFA, aabot sa 133,000 metric tons ng bigas na nasa Subic Bay Freeport Zone ang apektado habang nasa 177,00 metric tons sa pantalan sa Tabaco City, Albay.