Manila, Philippines – Tiniyak ng National Economic and Development Authority (NEDA) na magiging pantay-pantay ang pamamahagi ng pamahalaan sa mga proyektong imprastraktura sa lahat ng rehiyon sa bansa.
Ayon kay Socioeconomic Planning Secretary Ernesto Pernia, target na maipatupad ang higit 4,000 infrastructure projects sa buong bansa na nagkakahalaga ng 7.74 trillion Pesos sa ilalim ng Public Investment Program (PIP).
50% ng mga programa at proyekto ay kasalukuyang isinasagawa habang nasa higit walong porsyento ang tapos na.
Ilan sa mga posibleng pagkunan ng pondo para sa mga proyekto ay sa lokal na pamahalaan, official development assistance o sa pamamagitan ng private public partnership.
Paniniguro ni Pernia, hindi naiipon sa iilang rehiyon tulad ng National Capital Region (NCR), CALABARZON at Central Luzon ang infrastructure investment.
Kasalukuyang nangunguna ang ARMM, Bicol at Caraga sa nakakuha ng pinakamalaking infrastructure investment dahil sa kanilang gross regional domestic product.