
Tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na ibabalik ng administrasyon ang kumpiyansa at tiwala ng mga Pilipino sa gobyerno, sa pamamagitan ng responsableng pamununo, nakikitang resulta ng mga proyekto, at serbisyong publiko na mabilis at mayroong integridad.
Sa ikaapat na State of the Nation Address (SONA), sinabi ng pangulo na kung mayroon mang sinasalamin ang katatapos lamang na May 2025 elections, ito ay ang pagnanais ng mga Pilipino ng mas magandang serbisyo publiko at pamamahala.
Natuto na aniya ang Pangulo sa resulta ng eleksyon kaya’t dapat niyang mas lalong galingan at mas bilisan ang aksyon.
Ayon sa Pangulo, bigo at dismayado na ang taumbayan sa pamahalaan, lalo na sa mga pangunahing serbisyo.
Dahil dito, nanawagan ang pangulo sa mga opisyal ng gobyerno na bilisan ang pagkilos sa hinaing ng mga Pilipino, at magpakita ng konkretong resulta sa kanilang mga ginagawa.









