Naniniwala si Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez Jr. na tataas ang tiwala at kumpiyansa ng publiko sa COVID-19 immunization program kapag nagpabakuna si Pangulong Rodrigo Duterte.
Una nang sinabi ni Pangulong Duterte na handa siyang magpabakuna gamit ang COVID-19 vaccines mula China o Russia.
Ayon kay Galvez, lumalabas naman sa mga survey na malaki ang tiwala ng publiko sa Pangulo kaya malaking tulong ito kapag nakita ng mga tao na nagpabakuna ang Punong Ehekutibo.
Aniya, handang magboluntaryo ang Pangulo na magpaturok ng kahit anong brand ng vaccine na unang darating sa bansa.
Sinabi ni Galvez na ang lahat ng COVID vaccines ay pare-parehas lamang ang epekto ngunit may ilan sa mga ito ang may benepisyo sa mga matatanda at sa mga may kumplikasyon.
Iginiit din ni Galvez na hindi mahal ang Sinovac vaccine kumpara sa ibang brands at ginagamit ito ng mga ibang bansa bukod sa China.
Umapela si Galvez sa publiko na itigil na ang tila diskriminasyon sa ilang brand ng COVID vaccines, lalo na sa Sinovac dahil hindi naman kukuha ang pamahalaan ng bakuna na hindi ligtas at epektibo para sa mga Pilipino.
Matatandaang iginiit ni Presidential Spokesperson Harry Roque na hindi na dapat maging pihikan ang publiko sa brand ng bakuna lalo na at libre itong ibibigay ng gobyerno.