Manila, Philippines – Naniniwala ang Palasyo ng Malacañang na hindi pa sisibakin ni Pangulong Rodrigo Duterte si Transportation Secretary Arthur Tugade.
Ito ay sa kabila ng mga reklamo sa mga problema sa trapiko sa Metro Manila at ang lumalalang problema sa MRT.
Ayon kay Presidential Spokesman Secretary Harry Roque, ang problema sa MRT ay namana lamang mula sa nakaraang administrasyon at ito ngayon ang ginagawan ng paraan ng pamahalaan.
Sa ngayon aniya ay inoobserbahan lang ng Malacañang ang mga hakbang na ginagawa ni Tugade at sa ngayon aniya ay hindi pa dumarating sa punto na kailangan ng sibakin ni Pangulong Duterte si Tugade.
Paliwanag ni Roque, hanggang sa ngayon ay buo pa rin ang tiwala ni Pangulong Duterte kay Tugade at kumpiyansa ito sa mga hakbang na ginagawa ng kalihim.
Sinabi pa ni Roque na naghayag na si Pangulong Duterte na susuportahan ang anomang hakbang na ipatutupad ni Tugade para malutas ang problema sa MRT at trapik sa Metro Manila.