Manila, Philippines – Ikinalungkot ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri ang paghahain ng petisyon ng lalawigan ng Sulu sa Supreme Court (SC) laban sa Bangsamoro Basic Law o BOL.
Ang BOL ay bunga ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng pamahalaan at ng Moro Islamic Liberation Front o MILF.
Tiwala si Zubiri na makakapasa sa pagbusisi ng mga mahistrado ng Katas-Taasang Hukuman ang BOL.
Diin ni Zubiri, ang BOL ay maingat na sinuri o pinag-aralang mabuti ng legal minds ng Senado.
Binanggit pa ni Zubiri na ang pagbalangkas sa BOL ay kanila ding ikinonsulta sa mga bantog na constitutionalists, gayundin sa mga dating chief justice at punong manistrado ng Supreme Court (SC).
Umaasa si Zubiri na ituturing ng mga kagalang-galang na mahistrado ng high tribunal ang BOL bilang solusyon para makamit ang pangmatagalang kapayapaan sa Mindanao na nakabase sa itinatakda ng ating saligang batas.