Manila, Philippines – Buo ng tiwala nina Senate President Tito Sotto III at Senator Francis Chiz Escudero na hindi ipagkakait ni Pangulong Rodrigo Duterte sa publiko ang katotohanan kaugnay sa magiging resulta ng kanyang medical tests.
Pahayag ito nina Sotto at Escudero makaraang sabihin ni Pangulong Duterte na inulit ang pagsailalim niya sa endoscopy at colonoscopy nitong nagdaang linggo.
Ayon kay Sotto, sa pagkakakilala niya kay Pangulong Duterte simula pa noong 1988, ay hindi ito naglilihim.
Ipinaliwanag din ni Sotto, na natural lang na hindi agad idinidetalye ng kanyang tagapagsalita ang medical procedure na pinagdadaanan ng Pangulo, katulad din ng paglilihim ng Presidential Security Group (PSG) sa mga lakad ng Pangulo.
Ipinunto naman ni Senator Escudero, na kung nagawang aminin ni Pangulong Duterte ang mga regular na medical procedures na pinAgdaanan nito ay siguradong ikukwento din nito ang resulta.
Umaasa si Escudero na tutularan ng mga tagapagsalita ng palasyo ang pagiging tapat ni Pangulong Duterte sa mga impormasyon na may kaugnayan sa kanyang kalusugan.