Tiyo na sinermunan ang 15-anyos na pamangkin, tinaga sa leeg

1255
PHOTO: Tabaco City Police Station

Agad nasawi ang isang 41-anyos na lalaki matapos pagtatagain sa leeg ng 15-anyos na pamangkin na nagalit sa kanyang panenermon noong Lunes sa Tabaco City, Albay.

Kinilala ang nasawi na si Randy Biong Urbistondo, magsasaka ng Barangay Bonot, habang hawak naman ng City Social Welfare Development (CSWD) ang suspek na si “Tope”, grade 8 student.


Ayon sa pulisya, gabi nang dumalaw si Urbistondo sa mga kaanak sa Barangay Magapo, kung saan nangyari ang krimen, at makipag-inuman.

Nang malasing ay nagpahinga ang biktima sa kawayang upuan at nakita ang pamangkin na naisipan umano nitong sermunan.

Hindi umano nagustuhan ng menor de edad ang pinagsasabi ni Urbistondo, kaya kumuha ito ng itak at pinagtataga ang leeg ng tiyuhin.

Kaugnay nito, nagpaalala ang Tabaco City Police Station sa mga magulang na maging mahinahon sa mga anak, at iwasan ang pagbibiro ng labis na ikahihiya o ikagagalit ng isang tao.

Facebook Comments