Manila, Philippines – Inumpisahan na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pagtanggap sa Online Registration ng mga TNVS applications para sa bagong Certificate of Public Convenience (CPC)
Ito ay para sa mga TNVS owners at operators na hindi pa kasama sa ‘Master List’ na isinumite noon sa Board ng Grab Philippines (MyTaxi.PH) at Uber.
Batay sa itinakdang schedule, may hanggang August 31 lamang sila para maseguro ang kanilang Prangkisa matapos buksan ang Online Registration nitong Biyernes (August 24).
Paglilinaw ng Regulatory Agency, wala silang tatanggapin na aplikasyon para sa prangkisa hangga’t hindi nakukumpleto ang pagpaparehistro Online ng TNVS Units.
Kaugnay nito, epektibo sa September 1 ng taong kasalukuyan, aarangkada na ang ‘Anti-Colorum Drive’ ng LTFRB laban sa mga TNVS na mag-ooperate nang iligal.
Paliwanag ng Board, binibigyan na nila ng sapat na panahon na asikasuhin ang mga rekisito at iba pang dokumento na kailangang makumpleto bago magtapos ang buwan para iwas huli.
Matatandaan March 5, 2018, ipinag-utos ng LTFRB Board ang muling pagtanggap ng CPC applications para sa TNVS.
Sa kabila naman ng paghikayat, sinabi ng pamunuan ng LTFRB na kakaunti ang natatanggap nilang CPC application sa dahilang maraming TNVS Owners at Operators ang hindi pa handa o ayaw nang maghain ng kanilang aplikasyon.