TNVS, may random “libreng sakay” sa mga commuters ngayong Kapaskuhan

Kinumpirma ng pamunuan ng Transport Network Vehicle Service o TNVS na mayroon silang alok na libreng sakay ang ilang tsuper ng TNVS na Grab at Joyride.

Ito ang magandang balitang inanunsyo ng koalisyon ng TNVS drivers at operators ngayong nalalapit na ang Kapaskuhan.

Sa isang press conference sa QC, sinabi ni TNVS Coalition Spokesperson Ninoy Mopas, magsisimula ang libreng sakay sa December 16, Simbang Gabi hanggang sa Enero 1 o Bagong Taon.


Paliwanag ni Mopas, random ang pagbibigay ng libreng sakay at prayoridad dito ang mga senior citizens, buntis o Persons with Disabilities (PWD).

Samantala, umaapela naman ang grupo ng TNVS Alliance Philippines sa Land Transportation and Franchising Regulatory Board o LTFRB na dagdagan pa ang pagbubukas ng slots para sa TNVS.

Sa ganitong paraan aniya, matutulungan ng kanilang hanay ang gobyerno na mabigyan ng maayos at matiwasay na pagbiyahe ang mga pasahero.

Handa aniya silang makikipagtulungan sa gobyerno para sa pagbuti ng ride-hailing services ng bansa.

Facebook Comments